Tapos na ang nakaraan
by darkwile
Tags
friendship
tagalog
| Report Content
Hanggang ngayon, patingin tingin nalang siya, tila hindi alam ang susunod gagawin. Hindi naman siya mawawala, malamang bukas andiyan pa rin siya, baka pwede na, tugon niya sa nalilito niyang pag-iisip. Para kay Phil, mahirap pakawalan ang dati niyang kaibigan. Ngunit ano pa nga ba ang magagawa ng isang hamak na kababata kung siya na mismo ang pumili ng kanyang landas tungo sa makabagong daan kung saan unti-unti niyang kinalilimutan ang kanyang nakaraan—kanilang nakaraan.
Nakakatuwang isipin dahil magpahanggang ngayon, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Phil na muling ibabalik at uulitin ng sarili nito ang nakalipas na. Araw-araw, kahit halata nang unti-unti na siyang ipinagtatabuyan, hindi pa rin siya nawawalan ng pag-asa.
"Phil naman eh," sabi niya noong ayain siya ni Phil na bumisita sa bahay nila. "Lam mo namang busy ako, yung orgs at acads ko kailangan ako sa school."
"Ah ganoon ba, Jessica?" Pinilit niya nalang ngumiti kahit nasasaktan na siya. "Sige, next time nalang siguro"
"Uy sorry talaga, sobrang busy ko. 'Di bale, babawi talaga ako sa susunod."
Magkapitbahay lang naman sila, pero hindi maintindihan ni Phil kung bakit hindi siya makahanap ng tamang tsyempo sa pagbisita sa kanyang kaibigan. Madalas, wala siya; sasabihin nalang ng kasambahay na naparoon siya pero ayaw niya malaman ni Jessica iyon. Nang mapabisita naman siya noong isang araw, maraming tao sa loob, may pagpupulong ata. Mahirap na, abala si Jessica sa mga taong inaasikaso niya, baka maging sagabal lang siya sa kung anumang importanteng bagay na pinag-uusapan nila. Kapag nasasaktuhan niya naman ang kanyang kababata, palagi naman itong nagmamadali; sinasabi ni Jessica na hindi siya pwede sa kung anumang araw na ibigay sa kanya ni Phil. Kaya hayun, hanggang tingin nalang talaga itong si binata.
Mayaman kasi itong si dalaga. Noong elementary sila, magkaklase pa sila pero pagtungtong ng high school, humiwalay ng landas si Jessica upang mag-aral sa mas magandang paaralan. Naiwan tuloy si Phil sa public school na malapit sa kanila. Nag-iba ang ugali at pakikitungo ni Jessica sa mga tao, dala na ata siguro ito ng bagong kapaligirang kinabibilangan niya. Pero ni minsan, hindi ito ikinagalit ni Phil, ikinabahala niya nga lang.
Bilang isang kaibigang gustong ibalik ang dati nilang pagsasama, dapat mag-aaral din si Phil sa kolehiyong papasukan ni Jessica. Kaya naman iyon ng luho niya kaso lang, hindi ng kanyang katawan. Magpahangggang ngayon, hindi pa rin makapag-aral si Phil dahil sa sakit na dinaramdam niya; ang tanging nagpapaluwag ng kanyang damdamin ay ang mga ala-alang nanatili sa kanyang isipan. Magpaulit-ulit niya itong binabalikbalikan, iyon kasi ang itinuturing niyang pinakamasasayang araw niya – mga araw na kapiling niya pa si Jessica.
"Happy birthday Jessica!" Ika-21 na kaarawan iyon ng kanyang kababata at swerte naman ni Phil na nasa labas lang ng bahay ang kanyang kaibigan, sumisilip silip sa kalawakan kinababalutan ang sangkatauhan. Iniabot niya ang kanyang regalo, sabay banat ng pagpapatawad dahil mahirap lang sila.
"Uy, hindi ah, okay nga 'to eh. Dapat 'di ka na nag-abala!"
Sa unang pagkakataon makalipas ang ilang taon, muling nakita ni Phil ang matamis na ngiti mula sa labi ng kanyang iniibig.
"Sa wakas, nginitian mo na rin ako."
"Grabe naman 'to," tawa ni Jessica. "Parang ang tagal nung huli mo akong makausap ah?"
"Matagal na nga kitang hindi nakausap nang ganito kahaba...."
Tiningnan siya ni Jessica nang tuwid, may kaunting pangamba at pag-aalala.
"Grabe, ganun na ba talaga katagal 'yun?"
"Haha, 'di bale na nga lang" pabitiw na banat ni Phil, masakit ngunit mas masakit isipin na pati siguro siya ay unti-unting nawawalan na ng importansya kay Jessica. Akala pa naman niya, best friends sila, pero mukhang ang matagal nilang pagkakaibigan ay naisawalang bahala na.
"Gusto mo nito?" inalok ni Phil si Jessica ng candy na pareho nilang gusto nung mga bata pa sila.
"Uy! Wow, lollipop! Tagal ko nang 'di nakakain ng ganitong brand! Ang hirap kasi makahanap ng ganito sa trabaho!"
"Burgis kasi ng pinapasukan mo eh, haha" sabi ni Phil habang inaabot ang nasabing minatamis na nakatusok sa stick.
"Grabe naman 'to. Parang siya hindi burgis"
"Asa ka," asar ni lalaki. "Sino kayang lilipad na papuntang France dito two weeks from now?"
Napahinto ng kaunti si Jessica sa pagkain ng lollipop.
"Pano mo nalaman yun?"
"Ano ba, parang 'di naman tayo naging magkaibigan," sabi ni Phil. "Alam ko namang pangarap mo yun nung bata pa tayo. Nasa top to-do list mo kaya yun, tour around France as soon as you get a job"
Napaisip bigla si Jessica na tila tama nga ang pinagsasasabi ng lalaki sa tabi niya. Pero natawa nalang siya nang makita niya si Phil na nanginginig ang kamay at tila nahihirapan sa pagbukas ng lollipop, samantalang ang sa kanya ay paubos na sa kakasipsip.
"Grabe until now di ka pa rin marunong magbukas niyan?" Sabi niya sabay agaw ng candy ni Phil para buksan iyon.
"Ay sorry, labo na ng pantingin eh"
"Ayan na nga" Iniabot ni Jessica ang lollipop ni Phil na wala ng wrapper.
"Salamat"
Napasagi sa isipan ni Phil na hindi pa pala siya tuluyang nabura sa isipan ni Jessica, pati ang kanilang pinagsamahan, nakaimbak pa rin; tila nakaukit na ata iyon sa memorya nilang dalawa.
"Gusto ko buksan mo yung regalo ko pag asa France ka na"
"Hala bakit naman? Kailangan may suspense?" pagulat na tanong ni dalaga. "Di ba pwedeng ngayon nalang sa harapan mo?"
"Sige ka, bahala ka. Baka 'di ka na makaalis niyan next next week" babala ni Phil na nagpapayag naman kay Jessica na sundin ang kanyang mumunting utos.
Nakarating na ng France si Jessica. Nakapag tour around Paris na siya, nabisita niya na rin ang Versailles, nakasakay na siya sa isang two floor bus, nakaabot sa restaurant sa tuktok ng Eiffel tower, maraming pang masasayang bagay ang nagawa niya na.
Nasa loob siya ng isang hotel sa tapat mismo ng pinagmamalaking tore ng mga Prances. Grabe sa ganda ng view lalo na sa gabi, sabi niya sa kanyang sarili. Bigla niyang naalala yung kabataan niya.
Dati, pumupunta pa siya sa park para lang maglaro. Dati, gawa pa sa hinulmang buhangin ang Eiffel tower na nakikita niya. Dati, pangarap lang niya na marating ang siyudad ng pag-ibig. Pero, iyon ay nasakatuparan na. Nasa harap na niya ang pangarap niyang makita na tanawin.
Pero teka, teka.
Alam niya kasi, may kasama siyang bata na buntut-buntot niya kapag pumunta sa parke, at kung tama siya nang pagkakaalala, iyon ay si Phil.
Bigla niyang naalala yung regalo ni Phil sa kanya, mabuti nalang hindi niya iyon nalimutan sa Pinas. Nilabas niya ito mula sa kanyang maleta at pinagmasdan. Syempre, balot pa rin ito, natakot kasi siyang buksan iyon nung kaarawan niya; si Phil kasi eh, nanakot.
Unti-unti niya itong binuksan, tinanggal ang nakabalot na papel na puno ng disenyo. Sa ilalim ng magarbong balot ay may isang kahon. Pagkabukas ni Jessica ng takip nito ay nagulat siya.
Time capsule ang laman.
At may kasamang liham na ang nakasulat ay,
"Ika,
Naalala mo pa ba na iyan yung tawag ko sa iyo nung mga bata pa tayo? Ang cute mo kasi nun eh, bagay sa iyo yung ganyang palayaw. Haha, cute ka pa rin naman hanggang ngayon eh, mas gumanda nga lang.
Nalungkot ako kasi yung pangakong binitawan natin ilang taon na ang nakalipas ay nakalimutan mo. Tandang tanda ko pa kasi na sabi mo, huhukayin nating tong time capsule na ginawa natin kapag 18 ka na, kaso... alam mo na, hindi kita mahagilap. Kaya, ako nalang kumuha nito sa lugar kung san natin ibinaon. Buti nga di pa nawawala eh.
Dito sa kahon na ito, iniwan ko rin pala yung journal ko para may mabasa ka. Baka kasi mabagot ka diyan sa France eh. Haha.
Saka, pagbalik mo nga pala, kahit itago mo nalang yung journal ko, para may remembrance ako sa 'yo. Baka kasi di mo na ako maabutan.
Yun lang naman.
Phil"
Biglang kinabahan si Jessica. Hindi niya talaga alam ang nangyayari, o baka nalimutan niya lang pero parang gusto niya nang umuwi para malaman kung anong meron kay Phil at bakit siya ganoon sa sulat niya. Ngunit may dalawang linggo pa talaga siyang nalalabi sa kanyang bakasyon. Sabay niya namang nakita ang journal na nakaipit sa ilalim ng time capsule. Gusto niya basahin iyon para maalala ang nakaraan at kung ano ang nangyari kay Phil kaso, naduduwag siyang malaman ang nakaraan at ang katotohanan. Bigla siyang nanlamig at tila ang kanyang kabataan ay bumabalik sa kanyang isip. Lalo na yung mga panahong kasama niya pa si Phil. Oo nga pala, best friends sila.
^ Back to Top
Comments
Comments are moderated. Keep it cool. Critical is fine, but if you're rude to one another (or to us), we'll delete your stuff. Have fun and thanks for joining the conversation!
You must be logged in to comment.
There are no comments yet for this story.
Log in to view all comments and replies